PASASALAMAT (Sa ginanap na “Prayer Vigil” sa Catedral ng San Roque, Aug 2, 2019, 8-10pm)

Kamakailan, isang kabataan sa isa sa mga Mission Stations natin ang naging biktima ng depression na humantong sa suicide. Tinext ako ng Mission Station Chaplain. Hindi daw niya alam ang isasagot niya sa nanay ng kabataan na nagsuicide. Ganito ang tanong: “Bishop, bakit po ba kaming mga nagse-serve sa simbahan, kami pa ang nakakaranas ng mga ganitong mabibigat na problema?” Ganito ang isinagot ko sa kanya:
“Pakisabi mo sa kanya, kung minsan naitatanong din ni Bishop Ambo ang ganyan sa harap ng mga pagsubok na kanyang pinagdadaanan bilang pastol. Pero lagi, sa panalangin, ang sagot ng Panginoon: “Hindi ka nag-iisa. Tumingin ka lang sa krus. Iyan ay pakikibahagi mo sa aking misyon ng pagtubos.”

Salamat sa lahat ng dumalo sa “Prayer Vigil” na ito mula sa iba’t ibang mga parokya, iskwelahan at mga “mission stations” ng ating diocese. Salamat sa mga kabataan ng ating diocese na nanguna sa Prayer Vigil na ito, kasama ang kaparian, mga relihiyoso at laiko, gayundin sa PPC ng San Roque Cathedral, sa inyong malasakit sa akin bilang inyong obispo sa panalangin. Naramdaman ko talaga ngayong gabi na HINDI NGA PALA AKO NAG-IISA.

Katulad ninyo, ako rin ay nabagabag nang isama ng DOJ ang pangalan ko sa 36 na kataong inakusahan ng limang mga criminal charges: “sedition, inciting to sedition, estafa, cyber libel, at obstruction of justice.” Hindi pa ako nakakasuhan sa tanang buhay ko maliban ngayon. Kung naalala pa ninyo noon pa mang September 2017, binalaan na rin ako ng Department of Justice, dahil diumano sa pagbibigay natin ng proteksyon sa mga witnesses sa pagpaslang kay Kian De los Santos. Salamat sa inyong panalangin hindi natuloy ang kasong iyon noon. Nilinaw noon ng IBP na, hindi krimen ang magbigay proteksyon sa mga witnesses na nalalagay sa panganib ang buhay. Salamat din sa Diyos na naging patas ang Husgado noon at na-convict ang mga pulis na pumaslang kay Kian ng life imprisonment. Salamat sa Diyos at nagpatuloy na rin sa kani-kanilang mga buhay ang mga naglakas-loob na tumayo bilang witnesses.

Ngayon, umulit na naman ang mga paratang a dinagdagan pa ng apat, kasama ang kasong sedition—na sa pagkakaunawa ko ay pakikikutsaba diumano upang pabagsakin ang gubyerno. Maraming beses ko nang nilinaw na ako’y obispo at pastol, hindi pulitiko, hindi rebelde. Iginagalang natin ang demokrasya sa ating bansa at ang mandato ng ating mga awtoridad. (Sana igalang din nila ang “rule of law” na pundasyon ng demokrasyang nagbigay sa kanila ng pagkakataong manungkulan bilang mga opisyal ng gubyerno.)

Sa katunayan nga ang ating diocese ay katuwang ng gubyerno sa maraming mga adhikain katulad ng edukasyon, disaster-response program, environmental protection program, malnutrition mitigation program, urban poor resettlement program, mental health program, at ang ating community based drug rehabilitation program. Kahit alam nating ang mga ito ay gawain ng gubyerno, sa maraming pagkakataon, nakikipagtulungan tayo sa gubyerno kapag ito’y para sa ikabubuti ng nakararami, lalo na ng mga dukha at nasasantabi sa lipunan.

Kahit sa ating pastoral response sa Giyera sa Droga, kapag nananawagan tayo ng “STOP THE KILLING, START THE HEALING,” hindi natin sinasalungat ang gawain ng gubyerno na sugpuin ang kriminalidad, lalo na ang kalakalan sa iligal na droga. Ang atin lang ay marubdob na panawagan na sundin naman ang batas, igalang ang dangal at mga karapatan ng tao, pangalagaan ang buhay, at tulungan ang mga maysakit at biktima.

Hindi ba noon pa man iminulat na sa atin ang slogan JAIL THE PUSHER, SAVE THE USER? May batas tayo; oo, papanagutan natin sa batas ang mga kriminal, litisin at ikulong kung kailangan, pero huwag namang tuldukan ang buhay nila. May mga asawa sila at mga anak. May mga pamilya sila. Ilang libong pamilya ang lalong nababaon sa hirap kapag nawalan sila ng asawa o kaanak na naghahanapbuhay? Oo, krimen ang pangangalakal ng iligal droga. Pero hindi dapat ituring na kriminal ang mga addict, kundi may-sakit. May pinagdadaanan silang mga mental health issues. Hindi kulungan kundi rehabilitasyon ang kailangan nila. Hindi panghuhusga kundi malasakit at pag-unawa ang makapagbabago sa kanila.

Ang Panginoon ang daan, katotohanan, at buhay. Nawa sa lahat ng pagkakataon tayo’y pumanig sa daan ng katarungan sa halip na katiwalian, katotohanan sa halip na kasinungalingan, at buhay sa halip na kamatayan. Kaninang madaling araw, sa aking pananalangin, pagkabukas ko sa aking Bibliya, tumambad sa akin ang mga salita mula sa Ebanghelyo ni sa Marko. Doon nakasulat: (Marcos 13:9,11, 13)

“Mag-ingat kayo dahil kakasuhan nila kayo at dadalhin sa mga hukuman… Iimbestigahan kayo sa harap ng mga Tagapaglitis dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Magiging pagkakataon ninyo ito upang magpatotoo sa kanila tungkol sa akin.

Kapag iniharap kayo sa hukuman, huwag kayong mag-alala kung ano ang sasabihin ninyo. Bastaʼt sabihin ninyo ang ipinasasabi ng Banal na Espiritu sa oras na iyon. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ninyo. Kapopootan nila kayo dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ay maliligtas.”

Malapit na ang pista ng ating mahal na Patron. Noong 2017, araw mismo ng pista, noong gabing iyon pinatay si Kian de los Santos na parokyano natin sa Santa Quiteria, isa sa mga parokya ng Diocese of Kalookan. Noong araw na iyon naging malinaw sa akin ang misyon ni San Roque—noong kinalinga niya ang mga tinamaan ng epidemya at siya mismo ay nahawa din nito ngunit niligtas ng Diyos sa pamamagitan ng isang aso.

Tayo din ngayon ay humaharap sa bagong epidemya ng “depression” dahil sa iba’t ibang uri ng pagka-bahala, mga karanasan ng trauma sa pagkaka-aabuso at kawalan ng pag-asa sa gitna ng karukhaan. Ang mga ito ang pinag-uugatan ng maraming mga mental health issues tulad ng iba’t ibang uri ng adiksyon. Tayo rin nawa, katulad ng ating mahal na Patron, ay tumugon nang may malasakit, kahit pa ito’y ating ikapahamak.

Previous JULY 31: HAPPY FEAST DAY TO ALL OUR JESUIT FRIENDS!

Leave Your Comment