KAPAG TUMIBOK ANG PUSO

KAPAG TUMIBOK ANG PUSO
Homiliya sa Pista ng Sagradong Puso
Sacred Heart Mission Station
Bishop Ambo David

Sabi ng kanta ni Donna Cruz:
“Kapag tumibok ang puso wala ka nang magagawa kundi sundin ito.”

Ibig niyang sabihin, kapag tinamaan ng pagibig ang tao, magiging parang sunud-sunuran siya nito. Di ba sinabi ito ng makatang si Balagtas sa “Florante at Laura”? “O pagibig na makapangyarihan kapag pumasok sa puso ninuman, hahamakin ang lahat masunod ka lamang.”

Parang ganito rin ang kahulugan ng Pista ng Sagradong Puso. “Kapag tumibok sa puso ng tao ang puso ng Diyos… wala nang magagawa ang tao kundi sundin ito.”

Ang puso ay sagisag o larawan lang. Pag sinabi mo sa tao, “Wala ka bang utak?” Ibig sabihin, “Hindi ka ba nag-iisip?” Kapag sinabi naman nating, “Napaka-walang puso ng taong iyan.” Ibig sabihin malupit siya, walang malasakit, hindi marunong magmahal.”

Kaya nga ang Araw ng Pagibig (Valentine’s Day) ay tinatawag nating Araw ng mga Puso. Ang Pista ng Sagradong Puso ay tinatawag kong Valentine’s Day in June. Ang ipinagdiriwang natin ay Pagibig ng Diyos, na ating nakilala sa Pagibig ni Kristo: ang Anak ng Diyos na naging Anak ng Tao. Iisa lang ang puso ni Hesus, kahit siya’y Diyos na totoo at taong totoo. Kay Hesus, ang pusong Diyos at pusong tao ay naging iisa. Iyon ang sinasabi natin sa kinakanta natin pag First Friday: “O Sacred Heart, O love divine, do keep us near to Thee. And make our hearts so like to Thine, that we may holy be.” Sa Tagalog, “Mangyari nawa na ang mga puso namin ay maging katulad ng puso mo, upang kami rin ay maging banal, o sagrado.”

Paano at kailan nagiging katulad ng puso ng Diyos ang puso ng tao? May sagot dito ang ang ating mga pagbasa. Ang puso daw ng Diyos ay parang puso ng isang Mabuting Pastol. Hindi niya iiwan o pababayaan ang kahit na isa sa kanyang mga tupa. Pakinggan ang sinabi ni propeta Ezekiel 34:15-16 “Ako, ang Panginoong Dios, ang mismong mag-aalaga sa aking mga tupa, at silaʼy aking pagpapahingahin. Hahanapin ko ang mga nawawala at ang mga naliligaw. Gagamutin ko ang mga may sugat at may sakit, palalakasin ko ang mahihina.”

Sa Panginoon, walang patapon. Hindipala totoo na mahal lang tayo ng Panginoon kapag mababait tayo at masunurin. Hindi pala totoo na ang kaligtasan ay hangad ng Diyos para lamang sa karapat-dapat. Upang patunayan na lubos ang pag-ibig niya, inialay niya ang buhay niya para sa katubusan ng mga makasalanan. Ito ang pagkakaiba ng PAGTUBOS sa PAGLILIGTAS.

Kay Kristo nakilala natin ang Diyos na naghahangad maligtas, hindi lang ang mababait kundi pati na rin ang mga pasaway. Dahil anak ang turing sa atin, wala siyang balak itapon ni isa man sa atin.

Kapag ganito rin tayo magmahal, nagiging sagrado o banal din ang ating puso. Kapag sumunod tayo sa tibok ng puso ng Diyos, matututo tayong magmahal na katulad ni Kristo. Handang masaktan, magdusa, mamatay para sa minamahal. Dahil hangad niyang maligtas ang makasalanan, ang pantubos niya sa mga nasangla sa pagkakasala ay katawan at dugo, sariling buhay niya.

Di ba sinabi niya, “May hihigit pa kayang dakila sa pagibig na laang ialay ang buhay alang-alang sa minamahal?”

Pagibig pala ang tunay na nagpapaganda sa tao at nagpapataas sa kanyang dangal bilang nilikha sa hugis at wangis ng Diyos. At dahil tayong mga nabinyagan ay nabubuhay na sa katawan ni Kristo, bahagi ng biyayang ating tinanggap ay ang maranasang tumibok ang puso ng Diyos sa ating pusong makatao.

Previous JESUITS GIVING GUITAR LESSONS TO YOUNG PEOPLE FROM OUR MISSION STATIONS

Leave Your Comment