HOMILIYA SA ORDINASYON NI REB. PAUL WOO SA PAGKAPARI

HOMILIYA SA ORDINASYON NI REB. PAUL WOO SA PAGKAPARI
July 13, 2019

Ang ordinasyon ng isang bagong pari ay isang napakalaking biyaya at isang napakaligayang sandali sa buhay ng sambayanan ng mga alagad ni Kristo. Ibig sabihin, may bukas pa ang Simbahan. Sabi nga ng isang lumang kanta, na babaguhin ko nang kaunti, “TATANDA AT LILIPAS DIN KAMI, ngunit mayroong papalit,” kahit mangagkasakit, mamatay, o kahit mawala kami. Hangga’t may ordenasyon, ibig sabihin ang simbahang nanatili nitong nakaraang dalawang libong taon ay mananatili at magpapatuloy pa rin. Kaya importante sa akin na manatili kang malusog at masigla para sa simbahan, Reb. Paul.

Nais kong magpasalamat sa lahat ng nakiisa at nagmalasakit para sa iyong paghubog, Reb. Paul, lalo na sa mga Vincentian Fathers ng De Paul House of Formation at mga guro ng Saint Vincent School of Theology. Salamat din sa Diyos na kasama natin sa pagdiriwang na ito si Bishop Deo Iñiguez, obispo emerito ng Kalookan at si Bishop Francis de Leon ng Antipolo, na naging bahagi din ng kuwento ng iyong bokasyon. Full force din ngayon ang kaparian ng ating diocese, sampu ng lahat ng mga bisitang pari at relihiyoso mula sa iba’t ibang diyosesis at mga Chaplains ng ating mga mission stations. Narito din ba ang mga taga-Pitong Gatang Mission Station? Alam kong nagdamdam kayo nang alisin sa inyong piling si Fr. Philip nang siya’y maordenahan sa pagkapari. Aalisin din ba si Reb. Paul pag naordenahan na siyang pari? Hindi muna. Mananatili pa rin siya sa inyo, sa pag-aantabay ni Fr. Gigi Yabut sa Parokya ng San Jose de Navotas.

Reb Paul, sa sandaling ito, nais ko lang na magbigay sa iyo ng tatlong simpleng mga paalala. Una, na ang pagkapari ay hindi patungkol sa iyo kundi kay Kristo. Pangalawa, na hindi ka pwedeng maging pari na nag-iisa. At pangatlo, na ang pagkapari ay tungkol sa pagiging lingkod, hindi pag-aastang panginoon o amo.

UNA, Ang pagkapari ay hindi tungkol sa iyo. Ito’y kay Kristo. Siya lang ang pari. Inoordenahan ka ngayon sa pagkapari ni Kristo. Nakikiisa lang tayo o nakikibahagi sa iisang pagkapari, ang pagkapari ni Kristo. Upang malubos ang misteryong ito, tulad ni San Pablo na iyong katukayo, kailangang ipahayag mo, “Ang buhay ko ay hindi na akin; ito’y kay Kristo na nabubuhay sa akin.”

Ang buhay natin ay isang pang-araw-araw na kenosis, isang lubos na pagbubuhos ng sarili, upang si Kristo ang mabuhay sa atin. Hindi makakikilos si Kristo sa atin kung punong-puno tayo nga ating sarili, mga sariling balakin at haka-haka. Kung kinatawan ka ni Kristo, kailangang isabuhay mo ang pagkapari ni Kristo. Paano bang naiiba ang pagkapari ni Kristo sa mga sinaunang pari? Sa isang banda, parang pareho din dahil tagapag-alay din siya ng handog, pero hindi. Siya ay tagapag-alay pero siya rin ang alay o handog. Siya ay manunubos pero sariling buhay niya ang pantubos. Siya’y tagapagligtas hindi lang ng mababait at mabubuti, hindi lang ng mga matuwid at karapat-dapat kundi ng lahat, pati na ng mga pasaway at mga makasalanan. Kung ibig mong makiisa sa pagkapari ni Kristo, Paul, tulad niya, dapat maging handa ka ring mag-alay-ng-buhay bilang handog na pantubos.

PANGALAWA, hindi ka puwedeng maging pari na nag-iisa. Ikaw ay inoordenahan sa isang samahan ng iyong mga kapatid na pari at diyakono sa pamumuno ng iyong obispo upang sama-samang makipaglingkod sa bayan ng Diyos. Kaya huwag kang bubukod o hihiwalay sa mga kapatid mo sa pagkapari. Lagi kang makipagkaisa ng puso, isip at damdamin sa iyong mga kapwa lingkod. Ang ministeryo ng mga naordenahan ay isang buklod ng mga magkakaibigan at magkakapanalig. Ang pari ay daan ng pagkakaisa sa sambayanan ng mga alagad ni Kristo na nagkakabuklod sa iisang katawan. Makipagkaisa ka, hindi lang sa iyong obispo at mga kapwa-pari, kundi sa mga kapwa-pinunong lingkod sa mga laiko. Ang pagkapari ay hindi natin monopolyo. Kaya tayo inordenahan sa pagkapari ay para alagaan ang bayan ng Diyos sa kanilang pakikiisa sa pagkapari ni Kristo bilang kabahagi ng kanyang katawan dahil sa biyaya ng binyag. Huwag mong supilin ang mga kaloob ng Espiritu Santo sa Bayan ng Diyos. Huwag mong sarilinin ang paglilingkod. Kilalanin mo ang mga kilos at galaw ng Espiritu Santo sa mga kapwa binyagan. Pangasiwain mo sila, udyukin, pag-alabin sa pananampalataya at yakaging makibahagi sa mga gawain ni Kristo.

AT PANGATLO, hindi ka inoordenahang pari upang mag-hari-harian, kundi upang maging isang lingkod. Kaya ang simulain ng pagkapari ay pagka-diyakono, na ang ibig sabihin ay utusan, lingkod. Sa tingin ko, isa sa mga napakalaking pagkakamali ay ang isiping ang pagka-diyakono ay panandalian lamang, na ito’y tungtungan lamang sa pagpapari at pag-oobispo. Hindi. Ito’y pundasyon, o mas maganda, ito ang pinakaubod, o pinakasentro at saysay ng atin ordenasyon. Hindi ka magiging mabuting pari kapag kinalimutan mo ang pagiging diyakono. Hindi rin ako magiging mabuting obispo kapag iniwan ko na ang pagiging diyakono. Ito ang paalala ni Hesus kina Santiago at Juan noong inaambisyon nila ang maluklok sa kaliwa at kanan ng Panginoon. Hindi ganyan sa atin, wika niya. Ang ibig mamuno ay dapat maging alipin, matutong magpakumbaba na tulad ng utusan. Hindi naman naparito ang Anak ng Tao upang maglingkuran kundi upang maglingkod.

Paul, huwag mong kalilimutan itong aking tatlong paalala. Dagdag pa sa tatlo ang dalawa pang habilin: huwag na huwag mong kakalimutang manalangin at maging malapit ang loob sa mga dukha. Hindi sapat ang magdasal ng breviary. Maglaan ka ng isang oras ng meditation sa harapan ng Santisimo araw-araw. Hindi ito obligasyon; ito ang magiging survival kit mo sa buhay pagkapari. Wala kang masasabi sa bayan ng Diyos kung wala kang panahon para makinig sa ibig ipasabi sa iyo ng Panginoon. At huwag mo ring kalimutang manatiling malapit ang loob sa mga dukha. Huwag mo silang hintaying lumapit sa iyo; ikaw ang lumapit sa kanila.

Bilang pagtatapos, nais kong magpasalamat sa iyong mga magulang at kaanak sa taos pusong pag-aalay nila sa iyo sa simbahan upang mahirang sa pagkapari ni Kristo. Marami pong salamat; purihin ang Panginoon!

Previous HOMILY FOR 13TH EPISCOPAL ANNIVERSARY