St. Francis of Assisi and Sta. Quiteria Parish


Established: September 11, 1979
Fiesta Day: May 22 (Sta. Quiteria) October 4 (St. Francis)
Address: Tullahan Road, Baesa, Caloocan City
Parish Priest/Rector: Rev. Fr.
Parochial Vicar / Visiting Priest: Rev. Fr.
Associate Priest: Rev. Fr.

St. Francis of Assisi and Sta. Quiteria Parish

Parokya ni San Francisco de Assisi at Sta. Quiteria 1979-2018

Marami ng mga kwento ang ating narinig ukol sa tunay na pinagmulan ng ating Parokya. May mga nagsabi na unang nakita ang Imahe ni Sta Quiteria na inaanod sa ilog ng Tullahan. Marami na ring mga grupo ng Katolikong Misyonero ang dumating sa panahon pa man ng Kastila noong 1565. Ang Order of St. Augustine (OSA) ang unang nakatapak sa Pilipinas. Makalipas ang labindalawang taon, dumating din ang Order of Friar Minor (OFM), at sinundan ng Society of Jesus (SJ) noong 1581, at ang Order of Preachers (OP) taong 1587. Ang Order of Augustinian Recollects ay dumating naman noong 1606, at pagkalipas ng isang dekada ay dumating din ang Order of St. Benedict (OSB). Hindi malinaw sa kasaysayan kung sino sa mga grupong ito ang nagdala ng debosyon ni Sta. Quiteria, partikular na sa distrito ng Tullahan. Ang katanungang ito ay nananatili pa ring palaisipan hanggang sa ngayon.

Ang Kapilya ni Sta. Quiteria

Isang kapilya na nakaharap sa Tullahan River na gawa lamang sa kahoy ang itinayo sa karangalan ni Sta. Quiteria, na ayon sa mga kwento ay sya ring kinatagpuan sa imahe ng Santa na palutang-lutang sa nasabing ilog. Ang Kapilya noon ay mayroon lamang isang misa tuwing araw ng Linggo. Ang mga paring nagdaraos ng misa ay nagmula sa kalapit parokya o seminaryo gaya ng Our Lady of Angels Seminary sa Bagbag, St. Vincent Seminary sa Tandang Sora, at St. Joseph The Worker sa Balintawak.

Kahit na kulang sa pangangalagang pastoral ang kapilya, marami pa ring mga patotoo tungkol sa mga himala at kagalingan. Maraming mga deboto na nagbuhat pa sa iba’t-ibang panig ng bansa ang bumibisita sa kapilya upang magbigay pugay kay Sta. Quiteria. Ayon sa kanila, nagpapakita di umano ang Mahal na Santa sa kanilang panaginip, na kung saan hinahabiling hanapin ang kanyang kapilya upang dalhan sya ng damit kasama na rin ang eksaktong sukat ng mga ito. Ito marahil ang dahilan kung bakit nakaipon na ng mahigit sa apatnapung makukulay at magagarang damit ang patrona.

Ayon pa rin sa matandang kwento, ang Santa ay tunay na mahiwaga. May mga pagkakataong hindi sya maaaring kuhanan ng litrato, nang hindi muna humihingi ng pahintulot sa kanya. At kung ayaw daw ng Santa na mailipat sya ng pwesto, nagiging mabigat ang kanyang imahe, dahilan upang hindi sya mabuhat kahit pa magtulong-tulong ang ilang katao. Marami ring mga patotoo ng tungkol sa mga kagalingan ng mga malulubhang karamdaman hanggang sa kasalukuyang panahon.

Sa ngayon, ang lumang kapilya ay inayos at pinaganda na upang magsilbing pansamantalang himlayan ng mga yumao.

Ang Pagsilang ng Parokya ni San Francisco de Assisi at Sta. Quiteria

Ayon sa salaysay ng isa sa mga haligi ng parokya ng yumaong si Valeriano Fernando, noong January 10, 1977, ang mga parokyano ay sumulat ng petisyon at umabot sa kaalaman ng dating Arsobispo ng Maynila na si Jaime Cardinal Sin, upang ang kapilya ay maging isang ganap na parokya. Ngunit ang nasabing petisyon ay ibinalik kay Monsignor Jose Mirasol ng Navotas, na syang nakakasakop sa Sta. Quiteria. Ngunit ang kahilingan ay ipinadala sa Vicar General at Chancellor ng Katoliko Romano ng Arsobispo ng Maynila na si Monsignor Benjamin L. Marino. Subalit ang kahilingan ay tinanggihan ng butihing Chancellor, dahil nararapat daw na may pagsang-ayon din si Padre Lorenzo Egos, na noon ay ang Kura Paroko ng parokya ng St. Joseph the Worker sa Balintawak. Dala ang kumpletong dokumento na pinirmahan ni Padre Egos, ang mga parokyano ay muling bumalik sa Cardinal noong November 7, 1978 upang muling hingin ang kanyang pagsang-ayon.Ngunit hindi sila pinansin ng Cardinal dahil wala naman silang nakatakdang pakikipag-tipan dito. Sa halip na panghinaan ng loob ang grupo, ay lumapit sila kay Doña Villamor, na isa ring residente ng Sta. Quiteria at kaibigan ng Cardinal. Ang kahilingan ay nabigyang linaw ngunit may mga dapat isaalang-alang. Una, dapat na magkaroon ng samahan na mangangalaga sa Kura Paroko. Pangalawa, dapat na may kumbento na titirhan ang mga kaparian. At pangatlo, dapat ang simbahan ay malaki at maaliwalas upang mapagkasya ang malaking bilang ng mga mananampalataya. Kaya’t noong January 25, 1979 isang grupo ang nabuo at ito ang Samahang Nagmamahal sa Birheng Sta. Quiteria. Nagkaroon din ng Board of Directors dahilan upang ang pagtatayo ng parokya ay maisakatuparan na. Nang dumating ang grupo ng mga Italyanong Pari noong 1979 sa Maynila, humingi sila ng pahintulot sa Cardinal upang pagyamanin ang kanilang kongregasyon at ipakilala sa mga katutubo sa Hilagang Pilipinas. At dahil sa mayroon ngang matinding kahilingan na maging parokya ang Sta. Quiteria, hinamon ng Cardinal ang mga paring ito upang pamunuan ang parokya. Matapos ang mga kasunduan, inihanda na ang pagtatayo ng nasabing simbahan.

September 11, 1979 nang inilabas ang kautusan ng pagpapatayo ng simbahan. Ang naging unang Kura Paroko ay si Fr. Antonio Gabrielli Pelletierre,OFM April 29, 1980 nang simulan ang kontruksyon ng simbahan. Nagkaroon muli ng eleksyon ang samahan noong April 24, 1981 at sinusugan na isama ang pangalan ni St. Francis. At ang naging bagong pangalan nga ng samahan ay, Samahang Nagmamahal kay St. Francis ng Assisi at Sta. Quiteria. At ang parokya ay pinangalanang St. Francis of Assisi & Sta. Quiteria Parish.

Matapos ang pagsusumikap ng Kura Paroko, kasama ang Samahang Nagmamahal kay St. Francis of Assisi at Sta. Quiteria, mga donors, sponsors at iba pang benefactors, pati na rin ng lahat ng mga parokyano, sa wakas ay pinasinayaan noong May 10, 1981 ng Kagalang galang Jaime Cardinal Sin ang Parokya ni St. Francis ng Assisi at Sta. Quiteria.

Makalipas ang limang taon, ibinalik ng mga OFM Conventuals sa Cardinal ang pangangalaga sa parokya, upang paigtingin ang kanilang layuning maparami pa ang kanilang mga miyembro. Nang umalis sila noong 1984, ang pangangalagang pastoral ay ipinagkatiwala sa Missionaries of the Sacred Heart (MSC) na pinagtibay ng isang memorandum of Agreement at nilagdaan noong June 15, 1984, sa pagitan ng Roman Catholic Archbishop of Manila at Missionaries of the Sacred Heart. Ang unang naging Kura Parokong MSC ay si Fr. Jake Pascual. At dito na nagsimula ang pagkakaroon ng mga misyonerong MSC sa ating parokya.

Sa kasalukuyan, si Fr. George B. Alfonso, MSC ang Kura Paroko, kasama ang kanyang Assistant na si Fr. Charles Patricio, MSC. Noong nakaraang taon, September 8, 2017 ay nanganak ang ating parokya ng isang Mission Station ito ay ang Our Lady of the Sacred Heart Mission Station, na matatagpuan sa Pineda Compound Baesa Road, Baesa Caloocan City, na pinamumunuan ng kanilang administrator na si Fr. Richard Montaner, MSC.

Ang ating parokya ngayon ay binubuo na ng dalawampung kapilya na nagtutulong-tulong upang maging maayos at magaan ang mga gawaing pastoral.

Sa kabuuan, patuloy ang pagsasa-ayos at pagpapaganda ng ating simbahan upang maging kaaya-aya sa mga mananampalataya.

MASSES
Monday 6:00 AM
Tuesday 6:00 AM and 6:00 PM
Wednesday 6:00 AM and 6:00 PM
Thursday 6:00 AM and 6:00 PM
Friday 6:00 AM and 6:00 PM
Saturday 6:00 AM and 6:00 PM
Sunday 6:00 AM, 7:15 AM, 8:45 AM, 9:45 AM,
4:00 PM, 5:15 PM, 6:30 PM and 7:45 PM

BAPTISM
Saturday & Sunday 10:30 AM
Special Baptism Monday to Friday (by appointment)
CONFESSION: by appointment
CONFIRMATION: by appointment
MATRIMON: by appointment
SICK CALL: by appointment
NOVENAS
Monday Novena to St. Francis
Tuesday Novena to St. Therese of the Child Jesus
Wednesday Novena to Our Mother of Perpetual Help
Thursday Novena to Sta. Quiteria
Friday Novena to the Sacred Heart of Jesus
Saturday Novena to Our Lady of the Sacred Heart
1st Friday of the Month Benediction

SIMBANG GABI
Dec. 16- 24
3:15 AM
4:30 AM

6:30 PM
7:45 PM

Coming Soon