Kalamansi sa Sugat
Sa araw na ito’y nagkatipon tayo para sa tinawag nating “Solidarity Mass for the Moral Choice,” upang magkaisa tayo ng puso at diwa bilang mga pari at relihiyoso at lay leaders tungkol sa ating papel na dapat gampanan sa konteksto ng nalalapit na halalan.
Alam kasi natin bilang mga servant leaders ng simbahan, na napakalaki ng pananagutan natin sa Diyos na magabayan ang ating mga mananampalataya sa pagpili ng kandidatong iboboto sa darating na eleksyon, alang-alang sa kinabukasan ng ating bansa. Aminin, natin, matagal na nating hindi nagagampanang mabuti ang responsibilidad nating ito. Kaya tuloy napaka-negatibo hanggang ngayon ng attitude ng marami tungkol sa pulitika. Ito rin siguro ang dahilan kung bakit ang tipikal na reaksyon ng marami sa ating mga kapatid sa pananampalataya ay: ba’t ba tayo makikialam sa pulitika? Ano ba ang kinalaman ng pulitika sa pananampalataya? Ang simpleng sagot ay: MALAKI.
Kung walang liwanag na maibigay ang pananampalataya sa ating mga desisyon na may kinalaman sa pulitika, baka talagang nagkulang tayo sa ating tungkulin. Sa totoo lang, di hamak na mas madali ang sabihin na lang kung sino ang iboboto kaysa paano bumoto ang isang Kristiyano. After all, mga citizens din naman tayo ng ating bansa at may karapatan tayo ayon sa Konstitusyon na makilahok sa buhay pampulitika ng ating bansa.
Pero ginagawa natin ang mas mahirap na proseso ng paggabay sa pamamagitan ng ating mga circles of discernment at consensus building dahil iginagalang natin ang konsensya ng bawat tao, dahil bilang mga lider sa aspetong moral at espiritwal, alam nating ang pangunahing tungkulin natin ay ang magabayan ang ating mga kababayan sa pakikinig sa bulong ng Diyos kung paano dapat bumoto ang isang alagad ni Kristo. Naging mas matindi ang tungkulin nating ito sa kasalukuyang sitwasyon ng ating bayan—lalo na ngayong ang naging pangunahing usapin sa larangan ng pulitika ay may kinalaman sa espiritwal at moral: ang isyu ng KATOTOHANAN at KASINUNGALINGAN.
Mga kapatid, hindi natin dapat ituring na kalaban ang sinuman sa mga kababayan natin, pati na ang mga hindi sumasang-ayon sa atin. Natutuwa akong marinig ang mga tinig na tulad ng, “Hindi namin kayo kalaban, kasama kayo sa aming ipinaglalaban.” Ito ang tamang attitude ng isang Kristiyano, dahil wala naman tayong ibang kaaway kundi ang prinsipe ng kasinungalingan, si Satanas. Siya lang ang itinuro sa atin ng simbahan na dapat itakwil, mula pa sa ating pagkabinyag.
Sa mga panahong ito, ang dating ng Salita ng Diyos ay parang “Kalamansi sa Sugat”. Naalala ko kaninang madaling araw sa aking dasal ang pamagat na ito ng isang album na koleksyon ng mga kanta ni Heber Bartolome. Ang pinaghugutan niya ng inspirasyon ay ang kwentong narinig nating lahat noong tayo’y mga bata pa, Ang Ibong Adarna.
Kalamansi sa sugat—ang hapdi yata nun. Pero ayon sa kuwento ng Ibong Adarna ito ang payo ng isang pulubing pinakain ng bunso sa tatlong magkakapatid na nag-attempt na hulihin ang ibong Adarna sa kagubatan alang-alang sa ama nilang hari na maysakit. Nadaanan daw nilang tatlo ang taong nagugutom sa may tabing daan, pero bukodtanging ang bunso lamang ang huminto upang nagmalasakit sa pulubi. Kaya daw sa kanya ipinagkatiwala ng pulubin na isa palang engkantada ang sikreto. Kung ibig daw niyang mahuli ang mahiwagang ibon upang mapagaling ang kanilang amang hari mula sa malubhang karamdaman, kailangan ng kalamansi sa sugat.
Ganito ang bilin ng matandang pulubi, “Kapag nagsimula nang umawit ang ibong adarna, aantukin ka. Kailangang labanan mo ang antok. Kung hindi, makakatulog ka at pag dumapo ito sa iyo at napatakan ng ipot ang ulo mo, magiging bato kang katulad ng dalawang kapatid mong nauna sa iyo. Sugatan mo ang balat mo at duruan ng kalamansi, para manatili kang gising. Iyan lang ang paraan kung ibig mong mahuli ang ibong Adarna.
Ang paghahangad sa katotohanan para sa ating mga Pilipino ay katulad ng pakikinig sa awit ng Ibong Adarna. Kung ibig nating awitan nito ang ating bayan upang mapagaling ito sa kanyang sakit, kailangang manatiling gising. Ang katotohanan kasi kung minsa’y mahapdi ang dating, ngunit ito’y panlaban sa mga awit na nakabubulag at nakapagpapatulog sa atin hanggang sa tayo’y maging mistulang mga bato.
Noong seminarista pa ako, may natutuhan akong isang kantang Cebuano sa isang kaklase kong taga-Bukidnon. Ang pamagat nito ay BUTA, sa Tagalog, BULAG. Ganito ang sinasabi:
Pagkadaghan sa nahigmata nga nangandoy pang matulog
Kay mas tam-is ang magdamgo sa mga dili tinuod.
Ang saksi sa kamatuoran mupiyong lang kasagaran ug mag-antos lang nga pasipad-an ang luha ug kaangayan.
Buta kita sa pagpakabana buta kita sa luha, ug wa’y pulos ang hayag sa atong mga mata kon sa kasing-kasing magpabilin tang buta.
Tagalugin natin:
Napakarami daw ng mga taong dilat ngunit tulog, dahil mas masarap daw ang managinip ng mga bagay na hindi totoo.
Ang mga saksi sa katotohanan kadalasa’y pumipikit lamang, at pilit na binabata ang pagyurak sa pag-ibig at katarungan
Bulag tayo sa malasakit,
Bulag tayo sa luha.
Walang silbi ang liwanag sa ating mga mata kung sa ating puso’y manatili tayong bulag!
Sa aming unang inilabas na sulat pastoral bilang mga obispo ng Pilipinas tungkol sa halalan, na pinamagatang “Ang Katotohanan ang magpapalaya sa inyo” nasabi namin, “Magkakambal ang katotohanan at kalayaan. Kapag pinaglalaruan ang katotohanan, pinaglalaruan, din ang ating kalayaan.” Maaari tayong bulagin ng kasinungalingan at panlilinlang, maaari nitong patulugin ang konsensya at patigasin itong parang bato.
Sa Misang ito ang narinig nating mga pagbasa ay parehong tungkol sa katotohanan. Sa unang pagbasa, hinamon ng Hari ng Babilonia ang tatlong kabataan na kaibigan ng propeta Daniel: Totoo daw ba na sila’y sumusuway sa utos ng hari na sumamba sa istatwang ginto na itinayo niya at pinasasamba sa buong bayan ng Babilonia bilang Diyos?” Sagot nila, OPO, IYAN PO ANG KATOTOHANAN. Inamin nila, kahit alam nilang ikapagdurusa nila ang totoo, kahit alam nilang itatapon sila sa loob ng nagbabagang pugon, pinanindigan nila ito. Kaya lumakad sila sa loob ng pugon. Ngunit hindi sila nasunog sa apoy.
Sa ebanghelyong narinig naman natin, ayon kay San Juan, sa kabila ng lahat ng mga paninirang ipinalaganap ng iilan laban kay Hesus, mayroon pa ring mga taong naniwala sa kanya. At ito ang sinabi ng Panginoon sa kanila sa Juan 8:31-32, “Kung mananatili kayo sa aking salita, kayo’y tunay na magiging mga alagad ko. Mamumulat kayo sa katotohanan at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”
Apat na linya pala ito:
Bakit ba iyong pang-apat lang ang madalas tinatandaan natin? The truth will set you free. Totoo ba iyon? Depende. Paano tayo palalayain ng katotohanan kung hindi natin ito paninindigan? Paano natin paninindigan ang katotohanan kung hindi natin ito aalamin? Paano natin aalamin ito kung hindi tayo mananatili sa kanyang Salita bilang mga alagad?
Sa panahon natin ngayon, madalas rin nating marinig ang tanong na itinanong ni Pilato kay Hesus, “Ano ba ang katotohanan?” (Juan 18:38). Ayon kay San Juan nag-imbestiga rin naman si Pilato, kaya alam niyang walang katotohanan ang mga paratang laban kay Hesus. Ngunit dahil sa takot na matawag siyang taksil sa interes ng emperador at maalis sa kapangyarihan, naghugas-kamay na lang siya imbes na manindigan. Pinili niyang maging “neutral” dahil hindi niya mapanindigan ang katotohanan.
Alam din ni Pilato na ang mga sumisigaw na ipako si Hesus ay mga bayaran, wala silang ipinagkaiba sa mga mga trolls sa social media sa panahon natin ngayon na napakahusay kumontrol sa opinyon ng publiko sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng kasinungalingan bilang katotohanan. Uulitin ba natin ang pagpapako kay Kristo sa krus nitong darating na eleksyon?
Tama ang sabi ng propagandista ni Hitler na si Goebbels, “Ang kasinungalingan, kapag inulit mong minsan ay kasinungalingan pa rin. Ngunit ulitin mo nang libong beses, ito’y nagiging katotohanan.” Ito’y mas lalong napatunayan sa tindi ng impluwensya ng social media, lalo na ngayong pandemya. Ang teknolohiyang dapat sana’y para sa impormasyon ay nagagamit nang husto para sa “disinformation” o tahasang panlilinlang.
May nabasa akong isang Facebook post na ganito ang sinasabi, “Pinili daw ng marami si Barabas, hindi dahil siya ang mahal nila kundi dahil galit sila sa katotohanan.” Minsan, ang galit at hinanakit ay pwedeng magsilbi na parang piring na tumatakip sa ating konsensya.
Sa ikalawang sulat na inilabas ng CBCP tungkol sa halalan, nasabi rin ng mga obispo:
“Mga kapatid, makilahok at magpahayag tayo sa paraang makatarungan at mapayapa. Labanan natin ang pagsasawalang-bahala. Magmalasakit tayo, lalo na sa kapakanan ng kapwa at bayan. Baka mayroon sa atin na matagal nang mga miron lamang – nanonood lang at hindi gagalaw hangga’t hindi naaapektuhan. Naghihintay lamang kung ano ang kahihinatnan ng halalan. Nasaan doon ang malasakit sa kapwa?”
“Mag-ambag tayo sa pamamagitan ng pagtupad ng ating mga tungkulin. Hindi natin maitataguyod ang kinabukasan na wala tayo. Huwag nating iasa ito sa iba. Kailangang kasangkot at kabahagi tayo.
Baguhin natin kahit unti-unti ang ating kulturang pampulitika. Kung mananatiling mababa ang pagtingin at pagkilos natin sa pulitika, hindi pag-unlad ang ibubunga nito. Huwag sana nating isugal ang ating kinabukasan.”
Kung minsan kasi, kapag masakit ang dating ng katotohanan, parang ayaw nating tumingin o makinig. Minsan pinipili talaga nating magbulag-bulagan o magbigi-bingihan. Minsan ikakatwiran din natin, “Ba’t pa ako makikialam sa buhay ng may buhay? Baka tawagin pa akong pakialamero.” Iyon pala, magkakabit-kabit tayong lahat. Ang pagkapahamak nila ay pagkapahamak nating lahat. Sabi nga ni San Pablo, ang sambayanan ng mga alagad ay katawan ni Kristo. Ang sakit ng kalingkingan ay sakit ng buong katawan.
Sa konteksto ng ating pakikilakbay sa landas ni Kristo, huwag tayong matakot na lumakad sa apoy ng katotohanan. Narito, mga kapatid, summary ng ibig sabihin ng moral choice sa darating na eleksyon:
1) Bilang mabuting Kristiyano panangutan natin sa Diyos ang bumoto nang tama at naaayon sa konsensya sa Mayo 9, 2022.
2)Upang mangyari ito kailangang magbukas ng isip para:
- makinig,
- magsiyasat sa tama at totoo,
- magsisikap kumilatis sa dapat at di-dapat paniwalaan sa nakukuhang impormasyon sa Social Media.
3) Tayo ay boboto para sa kandidatong:
- magpapanatili at magpapatatag sa demokrasya,
- susunod sa batas,
- gagalang sa dangal at karapatan ng tao.
4) Tayo ay boboto para sa kandidatong magtatanggol sa mga teritoryo ng ating bansa, lalo na sa West Philippine Sea, sa matapang ngunit mapayapang paraan.
5)Tayo ay boboto para sa kandidatong magtutuwid sa kultura at kalakaran ng korapsyon at katiwalian sa gobyerno.
6) Tayo ay boboto sa kandidatong may tunay na paggalang at malasakit sa mga kababaihan.
7) Tayo ay boboto sa kandidatong magpapalakas sa diwa ng partisipasyon ng mga mamamayan sa pamahalaan.
8)Tayo ay boboto para sa magtataguyod sa usaping pangkapayapaan sa pagitan ng gubyerno at mga rebeldeng grupo.
9)Tayo ay boboto sa kandidatong may tunay na determinasyon na matigil
- ang illegal gambling,
- illegal drug trade,
- illegal logging,
- illegal mining,
- at iba pang mga industriyang nakasisira sa kalikasan, sa kultura at mabuting mga pagpapahalaga ng mga Pilipino.
10) Tayo ay boboto para sa kandidatong
- may integridad,
- tumutotoo,
- may isang salita,
- magtataguyod sa mabubuting programa ng mga nakaraang administrasyon at
- marunong pumili ng mga mahuhusay at matuwid na makakatrabaho.
11) Tayo ay boboto para sa kandidatong magbibigay inspirasyon sa mga kabataan na mangarap at maghangad na matupad ang mga pangarap para sa sarili, sa pamilya, at sa bayan.
12) Tayo ay boboto para sa kandidatong:
- marunong makinig sa boses ng taumbayan lalo na ng mga maliliit,
- handang tumanggap ng pagkakamali,
- may kakayahang magsakripisyo,
- may paggalang sa kalayaan ng tao sa usaping pang-relihiyon at pananampalataya.
13) Tayo ay boboto para sa pinunong:
- maipagmamalaki sa international community,
- simple ngunit matalino,
- disente at
- buo ang loob na manindigan sa tama at totoo.
14) Tayo ay boboto para sa:
- magpapatuloy sa tunay na diwa ng EDSA “people power,” -hindi magpapadikta sa mga dayuhan, sa mga asendero at malalaking negosyante, at
- magtataguyod sa kapakanan ng lahat, lalo na ng mga nasa laylayan ng lipunan.
15) Tayo ay boboto para sa kandidatong tunay na:
- makaDiyos,
- makatao,
- makabayan,
- makakalikasan, at
- makabuhay.
National Shrine of Our Lady, Mother of Perpetual Help
Parañaque, Metro Manila
06 April 2022, Jn 8:31-42